Isang technical working group ang binuo ng House Committee on Dangerous Drugs upang pag-isahin at plantsahin ang 10 panukala na naglalayong palakasin ang 20-taong gulang na Comprehensive Dangerous Drugs Act 0f 2002 (Republic Act 9165).

Ayon kay Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte kabilang ang kaniyang inakda na House Bill 1278 sa mga panukala na tatalakayin ng TWG na pinamumunuan ni Leyte Rep. Richard Gomez, vice chairperson ng komite.

Kasama ni Villafuerte bilang may-akda ng HB 1278 sina Camarines Sur Representatives Miguel Luis Villafuerte at Tsuyoshi Anthony Horibata at Bicol Saro Rep. Nicolas Enciso VIII.

Sa ilalim ng HB 1278, sinabi ni Villafuerte na palalawigin ang responsibilidad ng mga may-ari ng mga real property na ginagamit sa bentahan o pagawaan ng ipinagbabawal na gamot.

Bibigyan din ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng sapat na staff at mga opisyal na sasailalim sa pagsasanay upang maging epektibo sa kampanya ng gobyerno laban sa ipinagbabawal na gamot.

Nakasaad din sa panukala ang paglalaan ng lokal na pamahalaan ng hindi bababa sa 2% ng taunang budget nito sa mga programa kaugnay ng kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot at palalakasin ang reward system sa mga nakikipagtulungan para mahuli ang mga sangkot sa illegal drug trade.

Sinabi ni Villafuerte na inaprubahan ng Kamara sa nakaraang Kongreso ang kaparehong panukala subalit hindi ito naipasa ng Senado.

Muli umanong inihain ni Villafuerte ang panukala upang matakpan ang butas na ginagamit ng mga tiwali para malusutan ang batas. (Billy Begas)

The post Villafuerte: Amyenda sa Dangerous Drugs law pinaplantsa first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT