Nakabalik na sa bansa ang walong Pilipinong nabiktima ng human-trafficking sa Cambodia kung saan pinagtrabaho ang mga ito bilang scammers ng cryptocurrency.

Nagpunta sa opisina ni Senadora Risa Hontiveros Lunes ng umaga ang walong Pilipino para ibahagi sa mambabatas ang kanilang pinagdaanan sa Cambodia at para magpasalamat na rin sa tulong na ibinigay sa kanila ng senadora.

Ayon sa senadora, maraming hirap na dinanas ang mga biktima sa kamay ng mga Chinese mafia tulad ng hindi pagpapasweldo, hindi pinapakain ng maayos, hindi pinapatulog at kung hindi maka-scam ng tao ay pinagbabantaan din ang mga ito na sasaktan.

“Maraming hirap ang dinanas nila sa kamay ng mga Chinese mafia. Hindi pinapasweldo, hindi pinapakain ng maayos, at hindi halos pinapatulog. Kung hindi maka-scam ng tao, pinagbabantaan pa silang saktan,” sabi ni Hontiveros.

“Habang kami ay nakikipag-ugnayan para sa kanilang rescue, ay inextract na sila ng Cambodian police mula sa abusadong Chinese crypto scam employer, at saka itinurnover sa ating embahada,” dagdag niya.

Pinasalamatan naman ni Hontiveros sa Department of Foreign Affairs (DFA) dahil sa mabilis na pag-aksyon sa nasabing problema, gayundin sa Cambodian police dahil sa walang tigil na koordinasyon sa ating embahada, at sa mga civil society organizations at mga indibidwal na tumulong sa pagpapadala ng pagkain at iba pang pangangailangan ng mga kababayang naghihintay na makauwi ng Pilipinas.

Nanawagan naman si Hontiveros sa publiko na huwag lamang basta isipin na illegal workers at undocumented immigrants ang mga Pilipinong na-rescue sa Cambodia dahil ang mga ito ay biktima lamang din ng human trafficking na napilitang makipagsapalaran sa ibang bansa at ginamit lamang din ng mga sindikato ang kanilang kahinaan para makapambiktima ng iba.

“Habang sinisikap natin na walang Pilipino na ang kailanganing umalis ng Pilipinas para maghanapbuhay, nais ko ding ipanawagan sa mga kababayan natin na huwag mag-apply sa mga job posts na naghahanap ng customer service agent sa Cambodia o Myanmar, dahil sa crypto scamming ang punta niyan,” ani Hontiveros. (Dindo Matining)

The post 8 biktima ng human trafficking sa Cambodia nakauwi na ng Pinas – Hontiveros first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT