Suportado ni Senador Win Gatchalian ang hakbang ng Department of Energy (DOE) na humikayat ng investments sa industriya ng liquified natural gas (LNG) sa lalong madaling panahon upang matiyak ang sapat na suplay ng kuryente sa bansa.

“Makakabuti ang LNG para sa seguridad ng enerhiya ng bansa ngayon at suportado natin ang hakbang ng DOE hinggil sa pagpapatayo ng LNG terminals para matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente ngayong taon, lalo na’t paubos na ang suplay mula sa Malampaya,” ayon kay Gatchalian.

Ang service contract ng Malampaya gas field ay inaasahang magtatapos sa 2024 maliban na lang kung palalawigin ito.

Ang nauubos na suplay mula sa Malampaya ay inaasahang mag-iiwan ng malaking kabawasan sa kabuuang suplay ng kuryente sa bansa. Ang Malampaya ang nagsu-suplay ng halos 25% ng kuryente sa Luzon at 18% sa buong Pilipinas.

Sabi ni Gatchalian, ang LNG ay itinuturing na isang transition fuel habang nagkukumahog ang buong mundong na mamuhunan sa renewable energy o RE.

“Ang pagtatatag ng mga pasilidad ng LNG ay tumutugon sa inaasahang kakulangan sa suplay ng kuryente ng bansa sa medium o short term. Tiyak, isa ito sa mga intervention project na kailangan natin upang tugunan ang paubos na suplay,” saad ng senador.

Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 152 na nagtatadhana para sa National Energy Policy and Framework for the Development and Regulation of the Philippine Midstream Natural Gas Industry.

Ang panukalang batas na ito ay nagbibigay-daan sa pakikilahok ng pribadong sektor, nagbibigay ng flexibility para sa gobyerno na umangkop sa kondisyon ng merkado, at tinitiyak ang interes ng mga mamimili habang hinihikayat ang transparency at kompetisyon. (Dindo Matining)

The post Gatchalian: Palakasin industriya ng liquified natural gas first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT