Naghain si Senador Jinggoy Estrada ng isang resolusyon na nagsasaad ng mariing pagtutol ng Senado sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa umano’y crimes against humanity na nangyari sa pagpapatupad ng kampanya laban sa iligal na droga sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa Senate Resolution No. 492, sinabi ni Estrada na isang kalapastanganan sa soberanya ng Pilipinas at paghamon sa kakayahang umiral ang judicial system sa bansa ang naging desisyon ng Pre-Trial Chamber ng ICC na pahintulutan ang pagpapatuloy ng nasabing imbestigasyon.

Punto pa ng senador, ang pagsisikap ng pamahalaan na siyasatin ang naganap na war on drugs operations ng anti-narcotics group ng Philippine National Police (PNP) na nag-udyok sa PNP Internal Affairs Service (IAS) at Department of Justice (DOJ) para magsampa ng apat na kasong kriminal laban sa mga abusadong pulis.

“Malinaw na pagpapakita ito ng pagtupad ng ating pamahalaan sa pag garantiya na pananagutin ang mga indibidwal na nagkasala sa batas,” sabi ng ni Estrada.

Bago ito, naghain na si Senador Robin Padilla ng resolusyon na ipinagtatanggol si Duterte sa imbestigasyon at pag-uusig ng International Criminal Court (ICC).

Sa kanyang Senate Resolution 488, iginiit ni Padilla ang “unequivocal defense of former President Rodrigo Roa Duterte, the 16th President of the Republic of the Philippines, in any investigation or prosecution by the ICC.”

Iginiit ni Padilla sa kanyang resolusyon na ang Pilipinas ay may “functioning and independent” na judicial system.

Dagdag niya, matapos pinayagan ng ICC ang imbestigasyon sa “crimes against humanity” sa Pilipinas, itinuring ito ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na “insulto” at “totally unacceptable.” (Dindo Matining)

The post Gaya-gaya kay Robin: Jinggoy tutol rin sa pag-imbestiga ng ICC kay ex Pres Duterte first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT