Inaprubahan ng House Committee on Rural Development ang panukala na magbibigay ng pansamantalang trabaho sa mga nangangailangan.

Ang komite, na pinamumunuan ni Masbate Rep. Wilton Kho ay gagawa ng substitute bill ng panukalang Rural Employment Assistance Program (REAP) mula sa mga panukalang isinumite nina Pangasinan Rep. Marlyn Primicias-Agabas (House Bill 1006), Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte (HB 1788), Tingog party-list Representatives Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre (HB 1957) at Quezon City Rep. Patrick Michael Vargas (HB 5034).

Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Disaster Risk Management Division Chief Imee Rose Castillo, ang panukalang REP ay katulad ng Cash-for-Work program ng ahensya na nagbibigay ng pansamantalang trabaho sa mga mahihirap at pamilyang naapektuhan ng kalamidad.

Sinabi ni Kho na mayroong kaparehong panukala na naaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa noong 17th Congress. Kailangan umanong maisabatas ang programa upang matiyak ang tulong sa mga pamilya sa rural area.

Sa ilalim ng panukala ay aatasan ang DSWD, sa tulong ng lokal na pamahalaan na magbigay ng pansamantalang trabaho sa isang kuwalipikadong indibidwal mula sa nangangailangang pamilya. (Billy Begas)

The post House panel inaprubahan pagsasabatas ng cash-for-work program ng DSWD first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT