Nakarating na sa Cebu City ang Kadiwa ng Pangulo para makabili ng mas murang produkto ang mga Cebuano.

Ito ay bilang pagtupad sa pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Disyembre na palalawigin niya ang serbisyo ng Kadiwa pagkatapos ng holiday season.

Pinangunahan ng Pangulo ngayong Lunes, February 27, 2023 ang pagbubukas ng kauna-unahang ‘Kadiwa ng Pangulo’ sa Cebu Provincial Capital Grounds kung saan binisita nila ni Cebu Governor Gwen Garcia at iba pang mga opisyal ng gobyerno ang mga produktong ibebenta sa mas mababang presyo.

Nakapako sa P25 kada kilo ang NFA rice, P200 -190 kada kilo ang sibuyas at P90 naman ang bawat kilo ng bawang.

Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na ibinalik nila ang Kadiwa ng Pasko dahil patuloy pa ring may krisis at mataas pa rin ang mga bilihin at malaking tulong ito para mapagaan ang gastusin ng mamamayan.

“Alam naman natin dumadaan pa rin tayo sa krisis, nagtataasan ang presyo ng lahat ng bilihin kaya binalikan namin ang Kadiwa project. Napaka-popular at gustong-gusto ng mga tao dahil mura kumpara sa labas,” saad ng Pangulo.

Kasama sa Kadiwa ng Pangulo ang iba’t ibang grupo at kooperatiba ng mga magsasaka, micro and small enterprises (MSEs) mula sa Department of Agriculture Region 7, mga mangingisda, National Food Authority Region 7 at local government units ng Cebu province, Bantayan island at Cebu City.

Nais ni Pangulong Marcos Jr. na mas marami pang mga probinsya at lalawigan ang maabot ng Kadiwa ng Pangulo para matulungan ang mga magsasaka na direktang maibenta ang mga produkto at mapataas ang kanilang kita.

Paraan din aniya ito upang mapatatag ang sektor ng agrikultura at mapataas ang produksyon ng mga produktong agrikultura para matiyak ang seguridad sa pagkain ng mga Pilipino.

“Hindi lamang sa Cebu ito kundi sa buong Pilipinas.Sama-sama tayong babangon muli, kasama ito sa ating pagbangon,” dagdag ng Pangulo. (Aileen Taliping)

The post Kadiwa ng Pangulo inilunsad sa Cebu City first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT