Pinalibutan ng 30 Chinese vessels ang dalawang teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa kabila ng ibinigay na babala ng Philippine Coast Guard sa mga ito.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Commodore Jay Tarriela, PCG Spokesperson for West Philippine Sea na nakita ang mga barko ng Chinese maritime militia sa ginawang Maritime Domain Awareness flight sa Ayungin at Sabina Shoals.
Ayon kay Tarriela, bago pa makalapit ang eroplano ng PCG sa lugar ay niradyuhan na sila ng China Coast Guard 5304 pero iginiit ng PCG na sila ang dapat na umalis dahil ang mga ito ay nasa loob ng Philippine Exclusive Economic Zone.
“Bago pa lumapit ang PCG aircraft sa Sabina, kami ay naka-received na ng radio challenge sa China Coast Guard 5304. In response, ang PCG pilot natin sinabiohan sila na we are conducting MDA flight and we ordered itong China Coast Guard to depart immediately because they are within the exclusive economic zone of our country,” ani Tarriela.
Sa kabuuan aniya ay may namataang 26 na Chinese vessel sa Sabina shoal habang apat naman sa Ayungin Shoal.
HIndi masabi ng opisyal kung ang nakitang presensiya ng maraming barko ng China sa teritoryo ng Pilipinas ay pagpapalakas ng kanilang puwersa sa WPS.
“We cannot generalized yet kung ano ang naging presensiya nila sa buong WPS. Ang naging concentration lang natin for this MDA flight is only focused in Sabina and Ayungin Shoal,” dagdag ni Tarriela.
Nakaalis na ang barko ng China na gumamit ng military grade laser sa BRP Malapascua subalit napalit ito ng isa pang Chinese vessel na naka-anchor sa Ayungin Shoal.
Sinabi ni Tarriela na malinaw na binabalewala ng China ang legal na karapatan ng Pilipinas sa mga teritoryong nasa loob ng teritoryo ng bansa.
“Ito ay nagpapakita na hanggang ngayon ini-ignore nila ang ating legal ownership ng exclusive economic zone natin sa Ayungin Shoal,” wika ni Tarriela.
Kaya ang ginagawa ng gobyerno ayon sa opisyal ay dinodokumento ang presensiya ng Chinese forces sa WPS at tiyaking may mga larawang makukuha ng Department of Foreign Affairs sa diplomatic protests na inihain noong nakalipas na linggo. (Aileen Taliping)#
The post Matapos ang Ayungin shoal, Sabina shoal naman ang pinalibutan ng 26 Chinese maritime militia first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento