Nasamsam mula sa dalawang kumpanya ang mga puslit na sibuyas at iba pang agri-products na nagkakahalaga ng P202.5 million sa magkakahiwalay na operasyon sa Manila International Container Port.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang matagumpay na operasyon ng Department of Agriculture (DA) at partner agencies ay bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa agricultural smuggling.

Ang mga kontrabando ay nakuha ng mga awtoridad sa 24 na container vans na nakapangalan sa Asterzenmed Inc at Seaster Consumer Goods Trading Inc.

Siyam mula sa 24 na container vans ay naka-consign sa Seaster Consumer goods at naglalaman ng mga pula at puting sibuyas na nagkakahalaga ng P77.8 million.

Ang iba pang nasamsam na mga kontrabando ay mga patatas, pekeng crab stick at frozen boneless na karne ng baka.

Nasamsam naman sa Asterzenmed Inc. containers ay P24 milyon na halaga ng pulang sibuyas at assorted na meat products.

Ang mga nasamsam na kontrabando ay nanggaling sa Hong Kong at China at walang Sanitary and Phytosanitary Import Clearance. (Aileen Taliping)

The post P202.5 milyon ng mga puslit na sibuyas, nasamsam ng DA at iba pang ahensya noong Enero first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT