Bukas si Senador Robin Padilla na amyendahan ang political provision ng 1987 Constitution sa pamamagitan ng constitutional convention o Con-con.

“Opo. Katulad ng sinabi ko, kung ngayon kasi, ang number one concern ng taumbayan ay ekonomiya,” sabi ni Padilla sa isang press conference.

“Pero syempre ‘pag nag-public hearing, maririnig mo na rin ang nasa malayong lugar. Tingnan natin kung totoo talaga,” dagdag pa niya.

Ayon sa senador, nagdesisyon ang Kamara na isulong ang Charter change sa pamamagitan ng Con-con matapos ang pitong pagdinig.

“Kasi ang sabi ng Kongreso kaya nila isinusulong ang con-con dahil nagsagawa sila ng public hearing at hinihingi ng tao ang con-con, hinihingi ng taumbayan na magkaroon ng pagbabago sa porma ng gobyerno, sa term extension,” saad ni Padilla.

“‘Yan din po syempre ang gusto nating gawin. ‘Di naman po pwedeng tayo sa Senado, (umasa) lang sa public hearing ng Mababang Kapulungan. Kaya po tayo gagawa din ng sarili nating public hearing.”

“Pag sinabi halimbawa pag nakumbinsi ako ng taumbayan handa ang tao sa con-con, e di ia-adopt ko anong sinabi ng Kongreso,” sambit pa ni Padilla, chairman ng Senate committee on constitutional amendments and revision of codes.

Nauna nang naghain si Padilla ng Resolution of Both Houses No. 3 na naglalayong amyendahan ang economic provision ng Saligang Batas sa pamamagitan ng constituent assembly (con-ass).

Sa ilalim ng Concon, ang mga mag-aamyenda ng Konstitusyon ay dapat halal ng taumbayan. (Dindo Matining)

The post Pag-amyenda sa political provision ng Konstitusyon via Con-con, OK kay Robin first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT