Binati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Japanese Emperor Naruhito sa kaniyang kaarawan at hangad ang mas masaganang biyaya para dito.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang pagbati ay ginawa ng Pangulo sa National Day of Japan nitong Miyerkoles na nataon sa selebrasyon ng kaarawan ng Emperor.

Sa kaniyang mensahe, sinabi ng Pangulo na ang partnership ng Pilipinas sa Japan ay malalim at mas matatag tungo sa kapayapaan at kaunlaran ng dalawang bansa.

“The breadth and depth of our engagement with Japan is a partnership for peace and progress, not only for Japan but certainly for the Philippines. Our strategic partnership is indeed stronger than ever,” saad ng Pangulo.

Sinabi ng Presidente na hangad nito ang mas marami pang biyaya at kaligayahan para sa Emperor tungo sa maayos na kalagayan ng kaniyang bansa.

“I wish abundant happiness and blessings to His Majesty The Emperor as he leads Japan to continued prosperity and the promotion of peace,” dagdag ng Pangulo.

Nagkaroon ng pagkakataon si Pangulong Marcos Jr. na makaharap ang Emperor at kaniyang kabiyak na si Empress Masako noong bumisita ito sa Japan at ipinaabot ang pagmamahal ng mga Pilipino kabilang na ang tinatayang 300,000 na mga Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan sa Japan na itinuring nilang pangalawang tahanan. (Aileen Taliping)

The post PBBM nagpaabot ng pagbati kay Emperor Naruhito ng Japan sa kaniyang kaarawan first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT