Nagkasundo sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Japanese Prime Minister Fumio Kishida na paigtingin pa ang relasyong pangdepensa at panseguridad.
Sa joint statement ng dalawang lider nitong Huwebes ng gabi, kapwa inihayag na dadagdagan ang kakayahang pangdepensa at palakasin ang kooperasyong panseguridad.
Gagawin ito sa pamamagitan ng strategic reciprocal port calls at aircraft visits, gayundin ang paglilipat ng mga kagamitan at teknolohiya, pagpapatuloy ng kooperasyon sa mga nauna ng defense equipment at capacity building.
“In concrete terms, the leaders affirmed to strengthen efforts to complete transfer of air-surveillance radar systems, and for its related personnel training,” saad sa joint statement.
Ikinalugod ng dalawang lider ang nilagdaang kasunduan na may kinalaman sa Humanitarian Assistance and Disaster Relief (HADR) activities ng Japan Self-Defense Forces (JSDF) na naglalayong gawing simple ang mga proseso sa pagbisita sa Pilipinas bilang isa sa mga hakbang para mapaigting ang kooperasyon.
Kabilang sa mapakikinabangan ay ang palitan ng kaalaman at pagsasanay at pagbisita ng defense military officials sa Pilipinas at Japan.
Ikinagalak ni Pangulong Marcos Jr. ang pagnanais ni Kishida na magtatag ng bagong cooperation framework na pakikinabangan ng hukbong sandatahan at iba pang organisasyon sa layuning mas mapaigting pa ang kooperasyong panseguridad. (Aileen Taliping)
The post Pilipinas at Japan nagkasundong paigtingin ang ugnayang pangdepensa first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento