Inirekomenda ni House Deputy Speaker at Batangas Rep. Ralph Recto sa Bureau of Customs (BOC) ang paggamit ng mala-Air Tag na tracker upang matukoy ang lokasyon ng mga kargamento sa laban ng gobyerno kontra smuggling.
“In this age of ‘AirTag’, it will be hard for cargoes to vanish in thin air,” sabi ni Recto na ang tinutukoy ay ang tracking device na gawa ng Apple upang mahanap ang mga bagay na pinagkabitan nito.
“Yung pitaka nga, nahahanap ng AirTag, a shipping container as big as a house pa kaya?” punto ni Recto.
Kung nahahanap umano ng BOC ang sibuyas sa bagahe ng pasahero ng eroplano walang dahilan para hindi nila mahanap ang mga naglalakihang kargamento.
Sa kasalukuyan ay ginagamit ng BOC ang Electronic Tracking of Containerized Cargo (e-TRACC System) na ikinakabit sa mga container upang mamonitor ang galaw ng mga kargamento patungo sa destinasyon nito at matiyak na hindi ito napupunta sa ibang lugar.
“Kasi kung, halimbawa, ang deklarasyon ay gagamitin lang ang laman nito sa loob ng isang free port, kaya walang buwis, hindi pwedeng ilabas ‘yan. Otherwise, smuggling na,” paliwanag ni Recto.
Sinabi ni Recto na dapat pag-aralan ng BOC ang paggamit ng mga tracking technology na gagamitin naman sa mga produktong agrikultural na darating sa bansa.
“At kung kailangan naka-synch ‘yan sa cellphone ng mga matataas na opisyales ng Department of Agriculture, mas mabuti,” dagdag pa ng mambabatas. “Kung papabili ka ng rice meal sa GrabFood o Food Panda, nasusundan mo takbo ng courier sa phone, ito pa kayang barko na may kargang 50,000 sako na bigas.”
Ayon sa mga ulat, ang imported na produktong agrikultural at petrolyo na pumasok sa Pilipinas mula 2016 hanggang 2021 ay underreported ng P280 bilyon. (Billy Begas)
The post Pitaka nga nahahanap cargo pa kaya: Recto inihirit paggamit ng Air Tag-like program sa war on smuggling first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento