Sugatan ang pitong magkakapamilya kabilang ang tatlong bata matapos na ang bangkulong na tricycle na sinasakyan ng mga ito ay makasalpukan ng kasalubong na truck sa Maharlika highway, Brgy. Tanauan, Plaridel, Quezon nitong Linggo ng hapon.

Ayon sa report ng Plaridel police, galing sa pagtitinda sa perya sa piyestahan sa bayan ng Tagkawayan ang mga biktima at papauwi na sa Muntinlupa City nang mangyari ang aksidente dakong alas-4 ng hapon.

Lumalabas sa imbestigasyon na nag-overtake ang driver ng naaksidenteng tricycle sa kasama nilang isa pang tricycle subalit dahil nasa kurbadang bahagi ng highway ay hindi nito nakita kaagad ang kasalubong na truck.

Pinilit naman itong iwasan ng truck driver na si Elmer Moralde, 59 anyos, na nagpreno at lumihis pakanan ng kalsada subalit nasabitan pa rin ang tricycle.

Nagsipagtilapunan sa kalsada ang mga sakay ng tricycle na nagdulot sa mga ito ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Kabilang sa nasugatan ang 31-anyos na driver ng tricycle na si Michael Lobtoco at ang anak nito na 4-na buwang sanggol na lalaki, ganoon din ang isang 4 na taong batang lalaki at isang 11-anyos na batang babae.

Sugatan din ang dalawang babae na sina Joy Delacalsada, 33; HerniƱa Delacalsada, 55; at isang lalaking sakay din ng tricyle na si Pederico Delacalsada, 60.

Isinugod ang mga ito sa ospital. Ayon kay PMAJ Jocelyn Allibang, hepe ng Plaridel police, nasa ligtas namang kalagayan ang lahat ng nasugatan.

Nakatakda namang mag-usap ang dalawang panig para sa posibleng aregluhan. (Ronilo Dagos)

The post Tricycle nakasalubong truck sa highway, 7 sugatan first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT