Kinuwestiyon ni Senador Raffy Tulfo ang merito ni Emmanuel Ledesma bilang acting president ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) matapos sabihin ng huli ng walang nangyayaring katiwalian sa ahensya.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Health and Demography sa panukalang amiyendahan ang Universal Health (UHC) Law, sinabihan ni Tulfo si Ledesma na linisin at tanggalin ang mga korap sa PhilHealth.
“Siguro po, maglinis-linis kayo. Linisin n’yo po ang PhilHealth. Mag-imbestiga kayo kung sinu-sino doon ang involved sa korapsyon,” sabi ni Tulfo.
“From then, maniniwala ako na magiging maayos na ang takbo ng PhilHealth. Maniniwala kaming lahat,” dagdag niya.
Subalit sabi ni Ledesma, sa ngayon ay wala siyang nakikitang katiwalian sa PhilHealth.
“I have been actively looking since I joined, although I’m telling you, so far po, to be honest, wala po akong nakikita,” ani Ledesma.
Agad naman siyang binara ni Tulfo at sinabing samu’t sari ang mga ginawang imbestigasyon kaugnay ng korapsyon sa naturang ahensiya.
“You’re making stupid out of us, of all of us. Kasi na-media na po ‘yan, kumalat na po ‘yan. Paulit-ulit na lang ‘yan sa media na mga ‘yung bogus claims, meron na ngang na-Ombudsman, may mga naimbestigahan, pero sabi mo wala ka pa ring nakikita,” naiinis na pahayag ni Tulfo.
“Kailangang tanggapin mo na meron talagang problema sa PhilHealth. ‘Wag po ‘yung you’re in denial…sasabihin mong, ‘Wala, malinis kami.’ Then, I’m sorry, sir, then you are not good for that position,” sambit pa niya.
Sabi naman ni Ledesma, ayaw niyang mag-akusa ng ibang tao hangga’t wala siyamg matibay na ebidensya para mapatunayan ang alegasyon ng korapsyon.
Pero sabi ni Tulfo, tila pinagtatakpan ni Ledesma ang mga taong sangkot sa katiwalian sa PhilHealth.
“I feel sorry about you. I feel sorry about PhilHealth kung katulad mo po ang magpapatakbo ng PhilHealth. I feel sorry about PhilHealth and all members kung ganoon rin ang istilo mo ng pamamalakad sa PhilHealth. I’m sorry,” ani Tulfo.
“Unless kung baguhin n’yo ang inyong pananaw sa pagpapatakbo ng isang agency na who is well known to be graft-ridden for a year or two or for many years, eh walang mangyayaring pagbabago,” dagdag niya. (Dindo Matining)
The post Tulfo nainis sa acting president ng PhilHealth first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento