Walang planong humingi na paumanhin si Senador Robin Padilla sa grupong Gabriela kaugnay na kanyang pahayag na hindi siya makapang-tsiks kasabay ng pagiging isa niyang lingkod bayan.
Ayon kay Padilla, maaaring nagkamali lang ng intindi ang Gabriela nang sabihin niya sa forum sa Maynila na hindi siya kapit-tuko sa kanyang posisyon bilang senador at wala rin siyang inisip araw-araw kundi ang mag-resign.
Pabiro pa niyang sabi, hindi umano siya makapang-tsiks habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin bilang isang senador.
“Womanizing remark? Oh my goodness gracious… At saka ano ko po yan, isang pagpapaliwanag na pag ikaw ay public official na di ka na pwede magluko. Di lang bagay sa akin sabihin yan na ako ay hindi na nagloloko. Sinong maniniwala? Hahahaha,” sabi ni Padilla sa panayam sa DZBB.
“Di po ang ganoon ang ibig kong sabihin. Ang paraan po ng aking pagpapaliwanag na ako ay matino, ganoon ako magsalita na ako ay isa nang public official at pinanindigan ko po ang sinumpaan kong tungkulin na di ka pwede mag-playtime-playtime diyan. Yan ang ibig kong sabihin,” dagdag niya.
Nauna nang sinabi ni Gabriela Rep. Arlene Brosos na bukod sa pabibigya ng public apology, dapat umanong mag-isip-isip si Padilla kung dapat pa ba siyang manatili bilang lingkod-bayan matapos ang kanyang pahayag kaugnay ng pantsi-chicks.
Aniya, dapat panindigan ni Padilla ang kanyang sinumpaang tungkulin bilang mambabatas na may lubos na debosyon at paggalang sa kababaihang Pilipino.
Pero paliwanag ni Padilla, wala siyang babae at hindi siya naging bastos sa mga kababaihan.
“Banggit ko lang sa ating kababayan sa Gabriela, una lola ko po yan, kahit magsaliksik kayo lola ko yan. Pangalawa, di ko po kailanman, wala man ako kahit isang babae ang nagsabing ako po ay naging bastos, naging talipandas. Wala po. Di ako nagkaroon ng ganyan,” paliwanag ni Padilla.
“Maaring sa paraan ng pagsasalita ay mali ang pagkaintindi nyo o di nyo ako naintindihan, pero di ako ganoon. Ang gusto ko lang sabihin, sineseryoso ko po ang trabaho ko. Di po ako ganyan. E kung kinakailangan kong mag-apologize sa inyo kahit wala akong intention, parang di tama yan,” dagdag niya.
“Ang paghingi po ng patawad ay kung may nagawa kang mali. Sa ngayon wala pa akong alam na nagawa akong mali,” sambit pa ng senador. (Dindo Matining)
The post ‘Wala akong nagawang mali’: Robin Padilla hindi magso-sorry sa Gabriela first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento