Sumuko na sa Kamara de Representantes ang dalawang personalidad na na-cite in contempt sa isinasagawang imbestigasyon ng House Committee on Agriculture and Food kaugnay ng hoarding na nagpataas sa presyo ng sibuyas kamakailan.

Ayon sa chairperson ng komite na si Quezon Rep. Mark Enverga, sumuko sina Argo Trading president at general manager Efren Zoleta Jr. at legal counsel Jan Ryan Cruz alas-2 ng hapon kahapon, Marso 13.

Nauna ng ikinulong sa Kamara si John Patrick Sevilla, operation manager ng Argo.

Ayon kay Enverga, magsisimula ang 10-araw na pagkakakulong ng dalawa kahapon.

Ang tatlo ay na-cite in contempt sa pagdinig noong Marso 7 matapos gamitin ni Sevilla ang confidentiality clause ng kanilang kontrata sa kaniyang mga kliyente sa hinihinging dokumento ng komite.

Si Sevilla ay agad na ikinulong at inutusan naman ng komite si House Sergeant-At-Arms, retired Police Major General Napoleon Taas na hanapin si Zoleta at Cruz.

Nais matukoy ng komite kung saan itinago ang suplay ng sibuyas na lumikha ng artificial shortage na nagpataas sa presyo nito. (Billy Begas)

The post 2 indibidwal na na-cite in contempt sumuko sa Kamara first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT