Sinelyuhan na ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang 83 Memoranda of Understanding at apat na Memorandum of Agreement sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan para sa pagtatayo ng pabahay para sa mga Pilipino sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH).
Ito ang ibinalita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos pangunahan ang groundbreaking ng dalawang lugar na pagtatayuan ng pabahay sa Naga City.
Sinabi ng Pangulo na mahalaga ang mga kasunduan sa mga lokal na pamahalaan upang magkaroon ng katugunan ang hangarin na mabigyan ng maayos at ligtas na tirahan ang mamamayan.
“Napakahalaga itong ganitong klaseng kasunduan upang magtuloy-tuloy ang pagtupad sa adhikain natin sa ilalim ng 4PH program ng ating bansa,” saad ng Pangulo.
Pinag-aaralan din aniya ng gobyerno kung paano pa mapalawak ang mga programa para sa tiyak na pabahay.
Sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na tinitingnan ang posibilidad na paggamit ng mga bakanteng lupa ng estado upang palawigin ang programang pabahay ng walang malalabag na batas at mga polisiya.
Pinaalalahanan ng Presidente ang mga lider ng lokal na pamahalaan na makiisa at makipagtulungan sa pambansang programa sa pabahay upang mas maraming Pilipino ang makinabang.
“Nais kong gamitin ang pagkakataong ito upang igiit sa DHSUD at sa ating mga LGU at iba pang ahensya na maging matapat at bukas sa mga transaksyon, lalong lalo na sa mga gawaing may kaugnayan sa pabahay,” dagdag ng Pangulo. (Aileen Taliping)
The post 83 MOU at 4 na MOA ng DHSUD at LGUs nilagdaan na para sa pabahay ng gobyerno first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento