Itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may militarisasyon sa Negros Oriental matapos mag-deploy ng dalawang batalyon ng mga sundalo sa lalawigan dahil sa pagpatay kay Governor Roel Degamo.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni AFP Spokesman Colonel Miguel Aguilar na matagal ng nasa isla ng Negros Oriental ang mga sundalo bago pa man napaslang ang gobernador.

In-activate lamang aniya ang mga ito upang tumulong sa Philippine National Police (PNP) para masigurong hindi magkaroon ng kahalintulad na insidente.

“Yung mga sundalo namin ay nandiyan na ito sa isla, matagal na silang nandiyan at bago pa nangyari ang insidente ay nandiyan na sila. Tapos nagdeploy kami ng isang light reaction company,” ani Aguilar.

Hangad lamang anoya ng AFP na maibalik ang normal na sitwasyon at mapadali ang pagtugis sa iba pang mga suspect sa pagpatay kay Degamo.

“Dito mararamdaman ng tao na ang presensiya ng sundalo ay hindi naman para manggulo kundi para magbigay ng kaayusan at tumulong sa PNP sa pag-implement ng batas at the same time magkaroon ng kapanatagan ang ating mga kababayan na wala ng gulong mangyayari dahil andiyan ang ating mga sundalo at pulis na handang maglingkod sa kanila,” dagdag ni Aguilar.

Tiniyak ng opisyal na mahigpit ang ipinatutupad na seguridad para sa pamilya ni Degano at sa mga testigo sa krimen. (Aileen Taliping)

The post AFP: Walang militarisasyon sa Negros Oriental first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT