Hinimok ni Senador Christopher “Bong” Go ang pamahalaan na tugunan ang nakakaalarmang pagtaas ng Human Immunodeficiency Virus infection and Acquired Immunodeficiency Syndrome (HIV/AIDS) sa bansa.

Ayon kay Go, chairman ng Senate committee on health, sapat na ang pondong inilaan sa pambansang badyet para sa pagpapatupad ng Philippine HIV and AIDS Policy Act or Republic Act No. 11166.

Ginawa ng senador ang pahayag matapos iulat ng Department of Health (DOH) na may 1,454 na bagong kaso ng HIV nito lamang Enero o average na 46 kaso kada araw.

Ang nakakabahala dito, 86 sa mga kaso ay mga kabataan at bata, kung saan pitong kaso ay bata na hindi bababa sa 10 taong gulang.

“Nakakabahala po ito… lalo na ‘yung mga naapektuhan ngayon ay 19 years old and younger. Ang babata pa nito. May less than ten years old pa na seven cases,” ani Go.

Dahil dito, dapat gumawa ang gobyerno ng strategic plan para mapunan ang kakulangan sa pagpapatupad ng HIV law.

Aniya, ang gobyerno ay may nakalaang P1.433 bilyon para sa HIV at iba pang sexually transmitted infections para sa taong 2022.

Sa panukalang pondo nitong 2023, may P52 milyon ang inilaan sa Philippine National AIDS Council mula dating P43 milyon lamang.

“May sapat na pondo po na labanan po itong paglaganap nitong sakit na AIDS,” ani Go. (Dindo Matining)

The post Bong Go naalarma sa lumolobong kaso ng HIV sa ‘Pinas first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT