Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Commission on Higher Education (CHED) na agad tugunan ang kakulangan ng nurses sa bansa dahil sa pag-alis ng mga ito sa Pilipinas.
Ayon sa Pangulo, naapektuhan ang paghahatid ng epektibong serbisyo sa pangangalaga sa kalusugan dahil mas pinipili ng Pinoy nurses na magtrabaho sa ibang bansa dahil na rin sa mas malaking sweldo.
“We have to be clever about the healthcare manpower. Our nurses are the best, buong mundo na ang kalaban natin dito,” saad ng Pangulo.
Sa kaniyang pulong sa Private Sector Advisory Council (PSAC) healthcare sector group sa Malacañang, sinabi ng Pangulo na lahat ng nakakausap nitong Presidente at Prime Minister ay humihingi ng dagdag na nurses aa Pilipinas.
Hiniling ng Presidente sa CHED na gumawa ng mga konkretong hakbang upang mapanatili sa bansa ang Filipino nurses.
“Lahat ng nakakausap kong Presidente, Prime Minister, ang hinihingi is more nurses from the Philippines,” dagdag ng Pangulo.
Bilang tugon sa Pangulo, sinabi ni CHED Chairman Prospero de Vera na kumikilos na sila upang matugunan ang problema kabilang na rito ang retooling ng non-board passers, pag-adopt ng nursing curriculum with exit credentials at pagsusulong ng exchange programs sa ibang bansa.
Inireport din ni De Vera sa Presidente na isinusulong na ng CHED ang flexible short-term masteral program upang masolusyonan ang kakapusan ng nursing instructors sa medical schools. (Aileen Taliping)
The post CHED inatasan ni PBBM na tugunan ang kakulangan ng nurses sa bansa first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento