Irerekomenda ng House Committee on Dangerous Drugs ang pagbabalik ng parusang kamatayan laban sa mga ninja cops, ninja informants at iba pang sangkot sa ipinagbabawal na gamot.
“Mag-recommend kami na itulak talaga yung death penalty dito sa mga drug offenders na ‘to,” ayon sa chairperson ng komite na si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.
Sinabi ni Barbers na gagawa rin ang komite ng amyenda para maging mahigpit ang imbentaryo at hindi mabawasan ang iligal na droga na nahuhuli at maiwasan ang recycling nito.
“Yung method ng recycling siguro dun palang sa pagiimbentarya ng ebidensya na makakalap eh dapat estrikto na kaagad,” dagdag pa ni Barbers.
Sa isinagawang imbestigasyon ng komite, naisiwalat ang sabwatan ng mga ninja cops at ninja informants kung saan binabawasan ng 30-70% ang nakukumpiskang droga at ibinebenta ito.
Sinabi ni Barbers na maituturing na “karumal-dumal” ang gawaing ito ng mga anti-drug law enforcers na isa sa mga dahilan kung bakit patuloy na mayroong naibebenta sa kabila ng dami ng mga nahuhuli.
Nagsagawa ng motu proprio investigation ang komite matapos sabihin ni PDEA chief Moro Lazo sa naunang pagdinig na mayroong lumapit sa kaniyang impormante at sa halip na reward money ang hinihingi nito ay porsyento sa masasabat na iligal na droga. (Billy Begas)
The post Death penalty buhayin vs ninja cops, ninja informants first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento