Mas mabuting manatili na lamang sa Russia o kaya sa Siberia si Russian President Vladimir Putin upang hindi maaresto ng International Criminal Court (ICC).

Ito ang inihayag ni Chief Presidential Legal Counsel at dating Senate President Juan Ponce Enrile sa kanyang weekly television program matapos isyuhan ng warrant of arrest ng ICC si Putin dahil sa pag-giyera sa Ukraine.

Ayon kay Enrile, hindi miyembro ng ICC ang Russia subalit kapag nagpunta ito sa ibang bansa na miyembro ng ICC ay maaari itong arestuhin.

Mas makabubuti aniyang manatili na lamang si Putin sa kanyang bansa o Siberia dahil tiyak na marami na ang nag-aabang sa kanya.

“Ngayon may warrant of arrest sa kanya. So he has to confined himself in Russia, maybe in Siberia. Hindi na makalabas sa kanyang bansa yan,” ani Enrile.

Ipinaliwanag ng abugado ng Malacañang na kaya naisyuhan ng mandamiyento de aresto si Putin mula sa ICC ay  dahil sa paniwalang may nilabag itong mga alituntunin sa digmaan.

“Ibig sabihin, they recognized that Putin is one guilty of aggression and that he has violated the rules of war. He has committed war crimes,” dagdag ni Enrile.

Ginawang basehan ng ICC sa pagpapalabas ng warrant of arrest kay Putin ang umano’y puwersahang pagpapadeport sa mga batang Ukranian papunta sa Russia.

Inatasan ng ICC ang  123  member states na arestuhin si Putin at dalhin sa The Hague, Netherlands para litisin sakaling umapak ito sa kanilang bansa. (Aileen Taliping)

The post Enrile pinayuhan si Putin: Magtago na lang sa Russia o Siberia first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT