Napatunayang guilty sa graft si dating Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) chairperson Efraim Genuino.

Kasama niyang nahatulan ng Sandiganbayan 3rd Division ng pagkakakulong ng mula anim hanggang sampung taon sina dating PAGCOR President and Chief Operations Officer Rafael Francisco, at Philippine Sports Commission chairman William Ramirez.

Disqualify na rin silang humawak ng anumang posisyon sa public office.

Kaugnay ito sa P37 milyong pondo para sa mga swimmer sa 2012 Olympics.

Sa impormasyong inihain ng Ombudsman noong 2016, P124.507 milyong pondo ng PAGCOR ang inilaan para sa pagpapaunlad at pagsasanay ng mga manlalangoy sa ilalim ng PASA bilang paghahanda sa 2012 Olympics sa London.

Nasa P37 milyon ang direktang naibigay sa PASA, isang ahensya sa ilalim ng PSC.

Pagkatapos ay ginamit ng PASA ang pera upang bayaran ang aquatic training facility sa TRACE Aquatic Center, isang negosyong pag-aari at kontrolado umano ni Genuino at ng kanyang pamilya.

Bukod sa umano’y pecuniary interest ni Genuino sa pagpapalabas ng pondo sa negosyo ng kanilang pamilya, kinuwestiyon din ng Ombudsman ang pagpapalabas ng pondo sa PASA, sa halip na PSC.

The post Ex-PAGCOR chief Genuino kulong sa graft first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT