Para mapaigting ang ugnayan ng mga polisiya sa pagitan ng tatlong ahensya na pang-edukasyon, muling inihain ni Senador Win Gatchalian ang isang panukalang batas na lilikha ng National Education Council o NEDCO.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2017 o ng National Education Council Act, nililikha ang NEDCO upang magkaroon ng institutionalized na sistema ng pambansang ugnayan, pagpaplano, pagmonitor, pagrepaso at pamamalakad sa pagitan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Layunin ng panukalang batas na magkaroon ng national education agenda na ibabatay sa mga pambansang planong pangkaunlaran. Isasaad sa national education agenda ang strategic vision ng bansa sa edukasyon, mga layunin, estratehiya para sa maayos na pagpapatupad ng mga programa at mga rekomendasyon sa usapin ng pondo.
Kabilang sa mga magiging kapangyarihan ng NEDCO ang pagpapatupad ng mga hakbang upang magkaroon ng mataas na marka ang bansa sa mga assessment gaya ng National Achievement Test, Programme for International Student Assessment, Education Index, Education for All Development Index at iba pang mga sukatan para sa growth at development sa sektor ng edukasyon.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang Pangulo ang magiging Chairperson ng NEDCO at magiging Co-Chairpersons naman ang DepEd Secretary, CHED Chairperson at TESDA Director-General. Magiging miyembro rin ng NEDCO ang Speaker ng Mababang Kapulungan, Pangulo ng Senado at ilang mga miyembro ng Gabinete.
“Sa pamamagitan ng ating panukalang bumuo ng National Council for Education, mapapaigting natin ang ugnayan sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan upang maiangat ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa,” saad ni Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education. (Dindo Matining)
The post Gatchalian isinusulong paglikha ng National Education Council first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento