Dapat umanong kunin at ibenta rin sa Kadiwa stores sa murang halaga ang mga asukal na inangkat ng tatlong paboritong importers ng Department of Agriculture.
Ito ang hamon ni Senadora Risa Hontiveros sa Palasyo matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang rekomendasyon na ibenta sa mga tindahan ng Kadiwa ang nakumpiskang 12,000 metriko tonelda ng asukala sa halagang P70 kada kilo.
Ang tatlong sugar traders na sinasabing paborito ng gobyerno ay tinukoy ni Hontiveros na All Asian Countertrade, Edison Lee Marketing, at Sucden Philippines.
“Kaya kung seryoso talaga ang administrasyon na magkaroon ng sapat na asukal sa buong bansa, samsamin na sa lalong madaling panahon ang lahat ng inangkat ng tatlong paboritong importers na All Asian Countertrade, Edison Lee Marketing, at Sucden Philippines,” sabi ni Hontiveros.
“At kung ibebenta na ang mga nasamsam na supply na yan, ang presyo ng asukal na may karaniwang tubo at nasa P61 per kilo lamang, hindi P70. Smuggled na nga, pinatungan pa rin ng tubong lugaw? Mayroon talagang gustong kumita dito,” dagdag pa niya.
Ayon kay Hontiveros, kukulangin para sa mga mahihirap ang 12,000 metric tons na nasabat na asukal sa Subic at Batangas dahil ang ‘poorest’ ay aabot ng 30 percent.
“Masyado namang naging excited sa 12,000 metric tons na nasabat sa Subic at Batangas,” ani Hontiveros.
“2.2 million metric tons ang annual consumption ng Pilipinas. Kung ang asukal sa Kadiwa ay para sa consumption ng poorest 30 percent, ibig sabihin around 300,000 metric tons ang kailangan para masabing hindi lang pang-publicity ang balak ibenta na asukal sa Kadiwa,” saad pa niya.
Nauna nang kinuwestiyon ni Hontiveros ang pagpabor ng DA sa tatlong sugar importers na maaaring kumita ng bilyun-bilyon dahil sa ibebenta sa P85 per kilo ang wholesale price ng imported sugar sa bansa gayong sa Thailand ay P25 per kilo lang ang wholesale price ng refined sugar. (Dindo Matining)
The post Hontiveros: Asukal ng 3 paboritong importer samsamin, ibenta sa Kadiwa first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento