Dapat nang imbestigahan at ilagay sa preventive suspension si Department of Agriculture (DA) Senior Undersecretary Domingo Panganiban dahil sa kanilang patuloy na pagtulong sa pagbuo ng isang makapangyarihang kartel sa asukal, na kanila pang ipinagmamalaki ngayon, ayon kay Senadora Risa Hontiveros.

Ang hindi pag-imbestiga at hindi pagsuspinde kay Panganiban, ani Hontiveros ay nangangahulugan lang na walang nakikita ang kanyang superior sa ginawa nitong paglabag sa kasalukuyang batas at pag-agaw sa kapangyarihan at mandato ng Sugar Regulatory Administration (SRA).

“Saan nanghihiram ng lakas ng loob si Usec. Panganiban para sabihin na pabayaan na lang daw ang bagay na ito? May basbas ba sila ng Malakanyang para sabihin na manahimik na lang ang mga taong nananawagan na sundin ang batas?” tanong ng senadora.

Sabi ni Hontiveros, dapat magpaliwanag si Executive Secretary Lucas Bersamin, na dating Supreme Court Chief Justice, sa buong bansa kung bakit hindi ini-imbestigahan si Panganiban at kung bakit hindi pa binaligtad o ibinasura ng Malakanyang ang mga kwestyonable at iligal na order sa DA.

Nauna nang sinabi ni Undersecretary Leonardo Cervantes ng Office of the Executive Secretary sa isang press conference noong Pebrero 22 na hindi nila masabi kung ang sugar stocks na nililinis ni Panganiban ay inangkat ng legal o hindi at ang direktiba ng Pangulo sa pag-angkat ng asukal para mapababa ang presyo ay dapat sumunod sa proseso sa ilalim ng SRA na hinihingi ng batas.

“Kung ganyan pala ay bakit walang imbestigasyon o kahit anong aksyon ang Malakanyang laban sa hayagang pagbuo ng cartel? Malapit na tuloy akong magtanong kung talaga bang sumusunod lamang sa mga utos si Secretary Bersamin at Undersecretary Panganiban,” ani Hontiveros.

“A word of advice to Undersecretary Panganiban: Pride comes before a fall. Stakeholders in the sugar sector have already committed to pursue criminal cases in relation to this Sugar Import Fiasco 2.0. Sana ay handa na sila sa mga kasong kanilang haharapin,” sambit pa ng senadora. (Dindo Matining)

The post Hontiveros: Imbestigahan, suspendihin si Usec Panganiban first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT