Inendorso ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries sa plenaryo ng Kamara de Representantes ang panukala na mag-aamyenda sa Secrecy of Bank Deposits law upang makapaglagay ng anti-corruption mechanism sa operasyon ng mga bangko at iba pang financial institution.

Layunin ng House Bill 7446 na akda nina Quezon City Rep. Arjo Atayde, Manila Rep. Irwin Tieng at Bulacan Rep. Linabelle Villarica na maalis ang hadlang sa imbestigasyon at prosekusyon ng mga korupt o iligal na financial action ng mga stockholder, may-ari, direktor, trustee, opisyal o empleyado na nasa ilalim ng pangangasiwa at regulasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

“(The bill aims) to effectively combat tax evasion, money laundering and other financial crimes, address the unintended consequences or bank secrecy laws, and comply with international standards on transparency in financial transactions,” sabi sa panukala.

Sa ilalim ng panukala, ang BSP ay bibigyan ng kapangyarihan na magbukas ng deposito na iniimbestigahan nito kung mayroong nakitang batayan ang Monetary Board na maaaring nagkaroon ng panloloko, seryosong iregularidad o iligal na aktibidad na nagawa ang stockholder, may-ari, direktor, trustee, opisyal o empleyado ng institusyon na pinangangasiwaan o nireregulate ng BSP.

Ang paggamit ng resulta ng bank examination ay lilimitahan sa BSP, Securities and Exchange Commission, Philippine Deposit Insurance Corp, Anti-Money Laundering Council, Department of Justice at korte.

Ang mga opisyal at empleyado ng BSP at banking institution ay pinagbabawalan na isapubliko ang anumang impormasyon sa mga tao na hindi pinahihintulutan ng batas.

Ang mga lalabag ay maaaring makulong ng dalawa hanggang 10 taon at multa na P50,000 hanggang P2 milyon. (Billy Begas)

The post House panel itinulak amyenda sa Secrecy of Bank Deposits law first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT