Tumanggap ng iba’t ibang uri ng tulong mula sa gobyerno ang may 1,500 benepisyaryo mula sa Limay, Bataan.

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pamamahagi ng tulong nitong Biyernes gaya ng cash assistance na tig-P5,000, negosyo carts at tulong-pinansyal para sa mga estudyante at mga gamit pang-agrikultura para sa mga magsasaka at mangingisda.

Sa kaniyang talumpati, sinabi ng Pangulo na batid niya ang mga pinagdaanang hirap ng sambayanan noong panahon ng lockdown kung saan hindi lang mamamayan ang matinding naapektuhan kundi pati na rin ang mga maliliit na negosyo na napilitang magsara dahil walang kita.

“Nandito po tayo para tiyakin  na maganda ang assistance na ibinibigay ng pamahalaan,” saad ng Pangulo.

Kabilang sa mga tulong na ipinamahagi sa mga benepisyaryo ay P5,000 cash assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD),  negosyo cart at cash assistance na nagkakahalaga ng P1.12 million para sa mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) at P350,000 na halaga ng tulong pinansyal para sa mga estudyante sa ilalim ng Special Program for Employment of Students (SPES) ng Department of Labor and Employment.

Nagbigay naman ng tsekeng nagkakahalaga ng P7.5 million ang Department of Trade and Industry (DTI) para sa mga benepisyaryo ng Small Business Corporations (SBCorp) habang scholarship ang ibinigay ng  Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at mga makina at mga kagamitang pangingisda na nagkakahalaga ng apat na milyong piso.

Sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na tuloy-tuloy ang pag-aabot ng tulong ng gobyerno at umaasang darating ang panahon na lahat ng mga Pilipino ay mayroon ng hanapbuhay.

Hangad ng Pangulo na dumating ang panahon na hindi na kailangan ng mamamayan ang tulong ng gobyerno dahil mayroon ng hanapbuhay at pinagkakitaan ang mga ito.

“Sana naman ay darating na tayo sa sitwasyon na lahat kayo ay may hanapbuhay na at sasabihin nyo sa amin hindi na namin kailangan yan dahil meron na kaming pinagkakakitaan. Yan po ang hangarin namin,” dagdag ng Pangulo. (Aileen Taliping)

The post Iba’t ibang tulong ng gobyerno ipinamudmod sa Bataan first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT