Suportado ng Land Transportation Office (LTO) ang mungkahi ng ilang grupo na i-convert sa rolling stores o food trucks ang mga pampasaherong jeep kasabay ng isinusulong na modernisasyon ng mga pampublikong sasakyan.
Sa isang weekly forum, sinabi ni LTO Assistant Secretary Jay Art Tugade na suportado nito ang mungkahi lalo na kung makakatulong ito sa pagpapalakas sa ekonomiya.
“Ay, opo. Eh tayo naman po basta any activity that will help stimulate the economy, personally po ha, ako po ay sang-ayon po ako diyan at very supportive po,” ani Tugade.
Pero bago magawa ito, kailangan aniyang ma-amyendahan ang rehistro ng sasakyan ng mga may-ari ng jeep upang ma-re classify ang gamit nito.
Sa ngayon ani Tugade ay pampasahero ang nakarehistrong gamit ng mga jeep at bus kaya kailangan palitan din ang certificate of registration kung magiging food trucks o rolling food store na ang mga ito.
“Kung iri-repurpose po iyong mga vehicles, kailangan pong mag-apply ng change of classification ng vehicle iyong mga vehicle owners po. So kung iyan po ay passenger bus or iyan po ay jeep na iku-convert po nila into a food truck, kailangan po nila i-amend iyong kanilang certificate of registration po with the LTO,” dagdag ni Tugade.
Baka sakali aniyang bumaba ang babayaran ng mga operator o mga may-ari ng jeep sa kanilang motor vehicles user’s charge kung maiparehistro sa ibang paggamit ang kanilang mga jeep. (Aileen Taliping)
Jeep Na Gagawing Food Truck, Rolling Store Aprub Sa LTO
The post Jeep na gagawing food truck, rolling store aprub sa LTO first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento