Nadagdagan na naman ang Kadiwa ng Pangulo outlets matapos buksan nitong Biyernes ng umaga ang isa pang Kadiwa center sa Limay, Bataan.

Maagang dumating ang Pangulo sa Judy’s Park sa Limay kung saan binisita nito isa-isa ang mga paninda at produktong nakahilera sa bagong Kadiwa outlet.

Sa kaniyang talumpati, sinabi ng Pangulo na napakaganda ang pagtanggap ng mga tao sa konsepto na sinimulan noong Pasko kaya itinuloy-tuloy na ito sa buong bansa.

Sinabi ng Presidente na mas palalawakin pa ang Kadiwa ng Pangulo upang makabili ng mga murang produkto ang mamamayan.

“Nakikita namin kailangan talaga palawakin pa at alam ko yung mga Kadiwa pinupuntahan talaga ng mga tao lalo na yung bigas na mura, sibuyas na mura, asukal na mura nauubos agad,” saad ng Pangulo.

Dahil dito hinimok ni Pangulong Marcos Jr. ang mga magsasaka na pagandahin ang produksyon para maparami ang supply ng mga produktong agrikultura at upang hindi na kailangang mag-import pa.

Nangako ang Pangulo na pararamihin pa ang Kadiwa outlets upang matulungan ang mga magsasaka at mapagaan ang budget ng mamamayan sa mga pangunahing bilihin lalo na sa pagkain.

“Pararamihin natin ito para kahit sa malalayong, sa mga lupalop ay makaabot ang Kadiwa dahil lahat naman tayo dito sa Pilipinas ay nangangailangan ng tulong din,” dagdag ng Pangulo.

Humigit kumulang 68 na mga magsasaka, mangingisda, mga kooperatiba at negosyante ang lumahok sa Kadiwa ng Pangulo sa Bataan para magtinda ng mura at dekalidad na produkto. (Aileen Taliping)

The post Kadiwa ng Pangulo sa Bataan inilunsad first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT