Binigyan-diin ng isang Metro Manila solon ang kahalagahan ng mga babae sa paglago ng lipunan.

Ayon kay Quezon City Rep. PM Vargas, ang mga babae ay mayroon ng angking kakayanan at ang kailangan na lamang gawin ay mabigyan ng oportunidad ang mga ito upang kanilang magamit.

“Empowered women empower society. They already have unique strengths and capabilities. We just need to fuel the change on how we want the world to perceive them,” sabi ni Vargas.

Batay sa datos ng United Nations Office for the Coordination of Humanitarian, sinabi ni Vargas na ang mga babae sa bansa ang may pinakagrabe naranasang pahirap dulot ng epekto ng pandemya.

Mahigit umano 6 milyong Pinay ang naharap sa karahasan sa bahay at mga katulad na pangyayari kaya itinulak ni Vargas ang panukala na magtatayo ng Gender-Responsive and Inclusive Protocols na tutugon sa mga pangangailangan ng mga babae sa panahon ng public health threat.

Inihain din ni Vargas ang Young Women’s Refuge and Assistance Center bill (House Bill 6007) upang mapangalagaan ang mga babae sa kanilang unang beses ng panganganak.

“Since the time of my brother, former Congressman Alfred Vargas, we are working on policies to provide this sector the power to air their concerns and grievances that we, men, cannot fully understand. That is why we have considered filing an Act Creating Women in Political Parties Empowerment Fund (HB 6003),” dagdag pa ng mambabatas.

Itinulak din ni Vargas ang National Program for Women’s Enterprise (HB 6005) upang mas maging competitive ang mga babae sa pagnenegosyo.

Isa si Vargas sa may-akda ng panukala na naglalayong maproteksyunan ang mga babae laban sa diskriminasyon. Ito ay naaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara de Representantes. (Billy Begas)

The post Kahalagahan ng kababaihan binigyan-diin sa Kamara first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT