Niratipika ng Kamara de Representantes ang panukala na bubura sa utang ng mga magsasaka na nakatanggap ng lupa sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Ang kopya ng House Bill 6336 ay ipadadala sa Malacañang para lagdaan ng Pangulo at maging batas.
Saklaw ng HB 6336 ang pagbura sa P57.557 bilyong utang ng 610,054 agrarian reform beneficiaries (ARBs) na nagsasaka sa 1,173,101.57 hektarya ng agrarian reform land.
Ang utang ng 263,622 ARB na nagkakahalaga ng P14.5 bilyon ay agad na buburahin kapag naging epektibo ang panukala dahil naisumite na sa Kongreso ng Land Bank of the Philippines (LBP) ang kompletong detalye nito.
Ang nalalabing P43.05 bilyon ay buburahin naman kapag naisumite na ng LBP at Department of Agrarian Reform (DAR) ang kompletong detalye ng pagkakautang ng 346,432 ARB.
Nakasaad din sa panukala na gagawing exempted sa estate tax ang mga agrarian reform land kaya walang babayaran ang mga magmamana nito kung ililipat na sa kanilang pangalan.
Inaatasan din ng panukala ang Department of Interior and Local Government (DILG) na himukin ang mga lokal na pamahalaan na magpasa ng ordinansa na magbibigay ng local tax amnesty sa real property at iba pang transfer tax para sa mga kuwalipikadong ARB. (Billy Begas)
The post Kamara niratipika panukalang bubura sa utang ng mga magsasaka first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento