Binahagi ni Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman kung anong sikreto niya para ma-achieve ang kanyang youthful look.
Sa panayam ng Aksyon Radyo Pangasinan kay Roman, sinabi niya na nakatulong ang gulay para magmukhang bagets ang kanyang itsura.
“Mahilig ako sa gulay. Gulay is life!” wika ng mambabatas.
Aniya, tuwing napapadaan siya sa Pangasinan ay palagi siyang bumibili ng gulay dahil ito ang kanyang palagi niyang kinakain.
Kaya naman nagpayo siya sa mga kabataan na ugaliin ang pagkain ng gulay dahil maraming benepisyo ang pwedeng makuha rito.
“Mga kabataan, please naman kumain kayo ng gulay kasi sa totoo lang, ito ang magpapahaba ng inyong buhay, magpapaganda sa inyong skin, and of course, ito ang magbibigay sa inyo ng mga necessary vitamins para maging malakas tayo,” lahad pa.
Bukod pa sa masustansyang pagkain, ang regular na ehersisyo at pagkakaroon ng positibong pananaw sa buhay ay sikreto rin ni Roman para mapanatili ang kanyang beauty.
“Ang age ay nasa isip lang ‘yan… numbers lang ‘yan,” sambit ng kongresista.
“Pero kung ang iyong pananaw sa buhay ay (parang) bata, energetic, excited ka sa mga possibilities sa buhay natin, edi syempre, (magiging mukhang) bata ka na nga,” wika pa niya.
Si Roman ay nagtungo sa Pangasinan para magsagawa ng konsultasyon sa kanyang mga panukalang batas na nakasentro sa agricultural sector, transport sector at kapakanan ng mga barangay health workers.
The post Kaya makinis kutis! Cong. Geraldine Roman mahilig sa gulay first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento