Isang panukala na naglalayong protektahan ang karapatan at kapakanan ng mga mandaragat na Pilipino ang inaprubahan sa ikalawang pagbasa ng Kamara de Representantes.

Ang Magna Carta of Filipino Seafarers bill (House Bill 7325) na pangunahing akda ni House Committee on Overseas Workers Affairs chairperson at Kabayan Rep. Ron Salo ay inaprubahan sa pamamagitan ng voice voting.

Ayon kay Salo, inaasahang aaprubahan ng Kamara ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa sa susunod na linggo.

Sa ilalim ang panukala, ang mga Pilipinong manlalayag ay may karapatan para sa ligtas at maayos na papasukang trabaho, patas na tuntunin sa pagtatrabaho, may proteksyon para sa kanilang kalusugan, pag-aaral at pagsasanay sa abot-kayang halaga, libreng representasyon at mabilis na pagresolba ng mga kaso, makakuha ng mahahalagang impormasyon, hindi makaranas ng diskriminasyon at iba pa.

Nakasaad din sa panukala ang pagkakaroon ng standard employment contract ng mga seafarer kung saan makikita ang termino at kondisyon ng kanilang trabaho na aprubado ng Department of Migrant Workers (DMW).

Pagkakaroon ng ‘green lane’ na exempted sa travel o health-related movement restriction sa panahon ng national o international emergency.

Ang mga maritime higher education institutions na nag-aalok ng Bachelor of Science in Maritime Transportation, Bachelor of Science in Maritime Engineering at iba pang maritime degree program at dapat mayroong barko o pumasok sa kasunduan sa mga shipping company para magkaroon ng kaukulang pagsasanay ang kanilang mga estudyante. (Billy Begas)

The post Magna Carta of Filipino Seafarers pasado sa ikalawang pagbasa ng Kamara first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT