Umabot sa 120 katao ang nagsuka at nahilo matapos maapektuhan sa oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress sa Oriental Mindoro.
Ito ang inihayag sa Laging Handa public briefing ni Diego Agustin Mariano, head ng Joint Information Center ng Office of Civil Defense kaugnay sa patuloy na pagkalat ng oil spill mula sa lumubog na barko.
Ayon kay Mariano, bagama’t mahigit dalawang linggo na ang insidente ay patuloy na nararamdaman ng mamamayan sa Oriental Mindoro ang epekto ng oil spill.
Binigyan naman aniya ng tulong medikal ang mga biktima ng local government units at mga kinatawan ng Department of Health sa lalawigan.
“Mahigit 120 katao naapektuhan ng oil spill. Nakaranas po sila ng pagsusuka at pagkahilo dahil sa masamang amoy ng langis. Sila ay binibigyan ng medical attention ng LGUs,” saad ni Mariano.
Halos buong Oriental Mindoro aniya ang nagdeklara na ng state of calamity dahil sa pinsala ng oil spill at sumama na rin ang bayan ng Caluya, Antique sa region 6 dahil nakarating na sa lugar ang epekto ng tumagas na langis.
Dalawa aniya ang tinitingnang “worst scenario” ng OCD sa nangyaring insidente kung hindi agad matapos ang paglilinis sa tumagas na langis sa karagatan, ito aniya ag ang pananatili ng langis sa Oriental Mindoro at makapasok sa direksyon ng Verde island.
“Worst scenario, puwedeng mag-stay within Mindoro or posibleng umabot sa Verde island passage. Yun ang dalawang scenario na tinitingnan sa epekto ng oil spill,” dagdag ni Mariano.
Sinabi ng opisyal na kulang pa ng oil booms ang Philippine Coast Guard (PCG) kaya gumagawa na sila ng improvised materials mula sa dayami at bunot ng niyog.
“Meron na tayong inisyal na nailatag pero hindi pa sapat. Kaya bumubuo tayo ng oil booms gawa sa native materials gaya ng dayami at coconut husk. Ito ay nakakatulong sa paggawa ng dagdag na oil booms na nilalatag ng Coast Guard,” wika ni Mariano. (Aileen Taliping)
The post Mahigit 120 katao nakaranas ng pagsusuka at pagkahilo dahil sa oil spill – OCD first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento