May pananagutan umano ang may-ari ng MT Princess Empress sa ilalim ng mga international convention sa pagtagas ng dala nitong industrial fuel na nakaapekto sa kalikasan at kabuhayan ng mga residente ng Oriental Mindoro, Antique, Palawan at mga karatig lugar.

Ayon kay Aklan Rep. Teodorico Haresco Jr., mayroong pananagutan ang may-ari ng MT Princess Empress sa ilalim ng 1992 International Convention on Civil Liability for Oil Pollution Damage (1992 CLC), 1992 International Convention on the Establishment of an International Fund for Compensation for Oil Pollution Damage (1992 FUND), United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), International Convention for the Prevention of Pollution from Ships (MARPOL) at International Safety Management (ISM) Code.

Sa ilalim ng 1992 CLC, sinabi ni Haresco na maaaring pagbayarin ng hanggang P331.3 milyon ang MT Princess Empress na maaari pang tumaas depende sa kanilang gagawing aksyon.

“Beyond clean-ups, we must make an effort to make MT Princess Empress and its owners RDC Reield Marine Services accountable to the government for damaging our tourism industries and marine resources and to the affected communities whose health and livelihood are heavily compromised,” sabi ni Haresco.

Ayon kay Haresco, dapat ding habulin ng Insurance Commission ang insurance company ng MT Princess Empress.

Naghain si Haresco ng resolusyon sa Kamara de Representantes at hiniling na imbestigahan ang insidente. (Billy Begas)

The post May-ari ng MT Princess Empress may pananagutan sa ilalim ng international conventions first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT