Isang dalagita ang sobra umanong nahumaling sa K-pop na umabot pa sa puntong ninakawan niya ang sariling pamilya ng mahigit P2 milyon.
Kuwento ni “Jasmine” sa Kapuso Mo Jessica Soho, nadiskubre niya sa mga damit ni “Bea” ang kahon-kahong K-pop merchandise gaya ng album, binder at photocard.
Mayroon pa raw photocard na nabili si “Bea” na nagkakahalaga ng P50,000!
Umamin naman daw sa kanya si “Bea” na kumukuha ito ng pera sa store ng kanilang mommy kapag ito ang bantay.
“Sobrang sakit ng ginawa niya. Simula nitong January kasi, nagkakaroon kami ng financial problem. Naso-short si Mommy ng 2.7 million sa business niya.
“Kaya tingin talaga namin, hindi bababa ng P2 million ang nagastos niya,” lahad ni “Jasmine”.
Nagsimula raw si “Bea” na maging fan ng BTS noong 2017.
Sa simula ay paisa-isa lamang daw ang binibili niya galing sa kanyang bulsa ngunit nainggit siya sa koleksyon ng ibang fans na napapanood niya sa TikTok.
Nang wala na umano siyang pambili ay doon na siya nagsimulang kumuha sa kaha ng kanyang lola.
Hindi raw niya inaasahan na sa pagkaloko niya sa K-pop ay aabot pa sa mahigit P2 milyon ang makukulimbat niya sa sariling pamilya.
Pinagsisisihan daw niya ang nagawa matapos silang dumanas ngayon ng problemang pinansiyal at para mabawi ang perang nalustay niya ay ibinebenta ng pamilya ni “Bea” ang mga K-pop collection niya. (IS)
The post Naadik sa K-pop: Dalagita ninakawan pamilya ng mahigit P2M first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento