Hindi hahayaan ng gobyerno na umabot sa mga tourist spot ang oil spill mula sa lumubog na barko sa Oriental Mindoro.

Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ambush interview aa kanya sa Quezon City na pinababantayan na niya sa mga kaukulang ahensiya ang oil spill upang hindi maapektuhan ang mga tourist destination sa lalawigan.

Sinabi ng Pangulo na iniutos na niya ang paglilinis sa mga lugar na naapektuhan ng oil spill upang hindi na madagdagan pa ang lawak ng pinsala.

“Yung mga tourist areas ay babantayan natin at kung mangyari na abutan, pupunta sa shoreline ang langis ay gagawa tayo ng programa ng clean-up para makabalik sa trabaho lahat ng tiga-roon,” anang Pangulo.

Dahil sa oil spill, mahigit 15,000 na mangingisda ang hindi makapaghanapbuhay at siyam na bayan ang inilagay sa state of calamity.

Sinabi ng Pangulo na habang hindi makapangisda, inatasan na niya ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Worker and Development (DSWD) na tulungan ang mga naapektuhan ng oil spill.

“Ang aking instruction sa DOLE, DSWD ay yung clean-up. Kasi yung mga mangingisda hindi makapangisda ngayon, bawal mangisda wala silang hanapbuhay. Pinalitan natin ng cash for work program dahil sila ngayon ang maglilinis,” dagdag ng Pangulo.

Tumutulomg na aniya sa Philippine Coast Guard (PCG) ang mga pribadong kumpanya na may mga kagamitan para malinis ang lugar na naapektuhan nang pagtagas ng langis.

Sinabi ng Presidente na maging ang gobyerno ng Japan ay tumulong na para hindi na lumawak ang pagkalat ng langis mula sa lumubog na barko.

” Pati na ang Japan, nagpadala ng tulong at ito’y malaking bagay upang yung langis na hindi pa umaabot sa lupa ay puwede na nating harangin. Alam na yung location ng barko.Mula doon makikita na natin kung saan dumadaan yung langis kaya medyo ma-forecast natin kung saan pupunta,” wika ng Pangulo.

Umaasa ang Presidente na hindi magtatagal ang paglilinis sa oil spill at hindi matutulad sa insidente sa Guimaras na inabot nga apat na buwan bago nalinis ang karagatan.

” Yung Guimaras na oil spill apat na buwan bago na-clean up. Siguro naman this time kasi mas bawas ng konti ang oil spill ay mas mabibilisan natin kahit na hindi sa isang buwan. Hindi naman siguro natin paabutin ng apat na buwan,” dagdag pa ng Pangulo. (Aileen Taliping)

The post Oil spill hindi hahayaang umabot sa mga tourist spot sa Oriental Mindoro first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT