Imumungkahi ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa Department of Transportation (DOTr) ang pagsibak sa lahat ng tauhan ng Office for Transportation Security (OTS) upang masala ng mabuti ang mga papayagang bumalik sa tungkulin.
Ito ang sinabi ni Romualdez kasabay ng kanyang pagtawag sa mga opisyal ng DOTr upang kausapin kaugnay ng mga insidente ng pagnanakaw na kinasasangkutan ng mga tauhan ng OTS sa dalawang turista na dumaan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
“Nakakahiya at nakakagalit,” sabi ni Romualdez. “Paano tayo makakahikayat ng mga turista sa ating bansa kung mga magnanakaw ang ilang mga nagbabantay sa airport natin.”
Ipinunto ni Romualdez na habang gumagawa ng paraan ang gobyerno upang dumami ang mga pumupuntang turista sa bansa ay lalabas ang mga insidente ng pagnanakaw na nakasisira umano sa imahe ng bansa.
Ayon kay Romualdez irerekomenda nito kay Transportation Secretary Jaime Bautista na alisin ang lahat ng tauhan ng OTS at pag-aplayin ang mga ito.
Ang dapat na payagan lamang umanong makabalik sa tungkulin ay ang mga may malinis na rekord.
“It sounds a bit extreme, but circumstances call for extreme measures. If government personnel commits criminal acts against foreign visitors, the minute they landed at the airport, it says a lot about our country. So, it needs to be addressed sternly,” dagdag pa ng lider ng Kamara.
Dapat din umano ay pumasa sa mataas na pamantayan ang mga magre-reapply at kung kakailanganin ay isalang sa lie detector test o sa panibagong pagsasanay gaya ng mga bagong recruit. (Billy Begas)
The post OTS personnel sibakin lahat para masala – Speaker Romualdez first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento