Isusulong ng gobyerno ang paggamit ng biofertilizer sa mga magsasaka upang mabawasan ang pagiging dependent sa mga imported na pataba sa kanilang mga pananim.

Sa ginanap na briefing ng Pangulo sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) at iba pang ahensya ng gobyerno, sinabi nitong sa pamamagitan ng biofertilizer ay mababawasan ang agam-agam sa supply ng fertilizer.

“We are totally dependent on petroleum-based fertilizer – now, we are going to introduce biofertilizer to our farmers and teach them how to use it. And hopefully, this will ease our concerns when it comes to the supply of fertilizer. And we can fully control the availability of biofertilizer,” saad ng Pangulo.

Pero nilinaw ng Presidente na hindi ganap na mawawala ang paggamit ng imported fertilizer gaya ng urea kundi babawasan lamang ng gobyerno ang pagiging dependent sa importasyon ng mga ito.

Sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na mas mura at madaling makakuha ng supply ng biofertilizer kaya isusulong ng gobyerno ang paggamit nito.

“Now, there will still be a mix. Hindi lang – hindi mawawala ‘yung urea, hindi mawawala ‘yung mga non-organic. But, we will lessen our dependence on importation when it comes to fertilizer supply,” dagdag ng Pangulo.

Sinibukan na aniya ng DA ang biofertilizer at nakitaan ng magandang resulta at kayang gawin sa mga agricultural colleges at University of the Philippines Los BaƱos (UPLB) gamit ang kanilang teknolohiya at mga pagsasaliksik.

“Kayang-kaya daw dito i-produce sa Pilipinas ‘yan. And furthermore, there are many technologies from UPLB, from the other SUCs, the agricultural colleges, marami silang na-research, na-develop na technologies diyan sa biofertilizer,” wika ng Pangulo.

Matatandaang sa pagbisita ni Pangulong Marcos Jr. sa China ay nakakuha ito ng business agreements sa Chinese producers para mapababa ang presyo ng fertilizer na ginagamit ng mga magsasaka. (Aileen Taliping)

The post Paggamit ng biofertilizer ilalarga para sa mga magsasaka first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT