Nanalo sa isinagawang plebisito ang paglikha ng apat na bagong barangay sa San Jose del Monte, Bulacan.

Ayon sa Commission on Elections (Comelec), sa 43,771 rehistradong botante sa Barangay Muzon ay 13,322 o 30.44% ang bumoto.

Sa bilang ng mga bumoto, 12,324 o 92.51% ang bumoto pabor sa paghati sa apat ng Barangay Muzon at 969 naman ang bumoto laban dito.

Ang Barangay Muzon ay hahatiin sa Barangay Muzon Proper, Barangay Muzon East, Barangay Muzon West at Barangay Muzon South.

Ang Barangay Muzon ay mayroong populasyon na 127,506 batay sa 2020 census.

Ikinatuwa ni San Jose del Monte City Rep. Florida Robes at San Jose del Monte City Mayor Arthur Robes ang resulta ng plebisito.

“This is a step towards development in terms of delivery of basic services to the newly formed barangays,” sabi ni Rep. Robes na chairperson ng House Committee on Good Government.

Dahil mas maliit na umano ang pangangasiwaang lugar ng mga magiging bagong opisyal ng mga barangay ay mas mabilis na maipararating ang serbisyo sa publiko.

“Our beloved city of San Jose Del Monte is dubbed as the rising city. As the city rises to new heights, we, the people, with special emphasis on women, also rise,” sabi ni Rep. Robes.

Nangako rin ang lady solon na pag-iibayuhin ang mga proyekto nito sa mga barangay gaya ng pagbibigay ng kapital sa mga nais magtinda, feeding program at pagpapalakas ng mental health ng kaniyang mga kababayan. (Billy Begas)

The post Paglikha ng 4 barangay nanalo sa plebisito first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT