Naniniwala ang isang lady solon na mababawasan ang bilang ng mga nagpapakamatay sa bansa kung mag-uusap-usap ang mga miyembro ng pamilya.

Sa isang privilege speech, nagpahayag ng pagkabahala si San Jose del Monte Rep. Florida Robes sa lumalaking bilang ng mga kabataang Pilipino na nag-iisip na magpakamatay.

Sinabi ni Robes na dahil sa paghihigpit na ginawa dala ng COVID-19 pandemic sa mga nakaraang taon ay marami ang na-depress at nag-isip na magpakamatay ayon sa 2021 Young Adult Fertility and Sexuality Study.

“It is alarming to know that, in 2021, around 1.5 million Filipino youth or 7% attempted to commit suicide,” sabi ni Robes. Noong 2013, nasa 574,000 o 3% lamang umano ito.

Nakakabahala rin umano na anim sa bawat 10 respondent ang hindi nakipag-usap sa iba kaugnay ng kanilang nararamdaman. At kung nakipag-usap man ay mas pinili ng nakararami na ang mga kaibigan ang kausapin sa halip na ang kanilang magulang o kamag-anak.

“And this is heartbreaking. As parents, we ought to be the first people that our children run to in times of need. Tayo dapat ang unang sumbungan at takbuhan ng ating mga anak, ang hinahanap nila kapag sila ay malungkot o nasasaktan,” dagdag pa ni Robes.

Dagdag pa ng lady solon, “As a mental health advocate, I believe in a practical and manageable solution to prevent and avert the loss of lives brought about by the invisible pandemic of depression and suicide. The recurring theme in these suicide stories is the lack of effective communication among members of the family.”

Hiniling ni Robes sa Kamara de Representantes na ideklara ang Pebrero bilang “Buwan ng Nag-uusap na Pamilya.” (Billy Begas)

The post Pagpapakamatay mababawasan sa pag-uusap ng pamilya—lady solon first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT