Hindi na maramdaman ang ikalawang araw ng tigil-pasada sa Metro Manila at normal ang operasyon ng mga pampublikong sasakyan sa mga lansangan.

Ito ang ini-report sa Malacañang ng Inter-Agency task Force on Tigil Pasada kaugnay sa ikalawang araw ng isang linggong tigil-pasada na inilarga ng ilang grupong tutol sa Public Utility Vehicle Modernization program ng gobyerno.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), mayroon lamang iilang presensiya ng mga raliyista na nakita ng Task Force malapit sa Heritage Hotel sa Baclaran, old terminal sa Alabang, Monumento sa Caloocan City at Catmon sa Malabon City.

Itinigil na rin ang Libreng Sakay at walang naiulat na stranded na mga pasahero nitong Martes.

Naniniwala ang Malacañang na nakatulong ang mga inisyatibang inilarga ng iba’t ibang mga ahensya ng gobyerno kaya hindi gaanong naramdaman ang epekto ng transport strike ng grupong Manibela.

Malaking bagay rin umano ang hindi pagsuporta ng malalaking transport groups sa welga kaya nilangaw at nabigong maparalisa ang daloy ng mga biyahe sa Metro Manila at sa buong bansa. (Aileen Taliping)

The post Palasyo: Tigil-pasada hindi na ramdam sa NCR first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT