Magtatayo ang gobyerno ng mga palengke para sa mga produktong Pinoy na ibinenta ng mga maliliit na negosyante o yaong nasa sektor ng micro small medium enterprises (MSMEs).

Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang talumpati matapos pangunahan ang pagbubukas ng Kadiwa Center sa Pili, Camarines Sur nitong Huwebes.

Ayon sa Pangulo, bukod sa Kadiwa ay magtatayo ng palengke upang mabigyan ng pagkakataon ang mga maliliit na negosyo sa bawat lugar na maibenta ang kanilang produkto.

“Magtatayo ng palengke para maipagbili ng mas mababang presyo ang ating mga agricultural prpducta, ang ating finished products. Lahat yan binibigyan din natin ng pagkakataon yung mga maliliit na negosyo sa bawat lugar para mayroon silang lugar para ipagbili ang kanilang produkto,” saad ng Pangulo.

Sa mga binuksang Kadiwa outlets aniya ay nakita nito ang iba’t ibang produktong ibinebenta gaya ng kandila, kape, tela at iba na produkto ng bawat bayan o lalawigan.

Sinabi ng Pangulo na isa ang MSMEs sa binibigyan nila ngayon ng atensiyon at mabigyan ng pagkakataon para umangat at makabawi mula sa epekto ng pandemya.

“Yung MSMEs ang talagang pinahirapan ng COVID. Marami diyan talagang napilitang magsara kaya naman yun ang aming tinututukan at binibigyan ng atensiyon. Kayat ito ang kanilang pagkakataon,” dagdag ng Pangulo.

Matatandaang inihayag ni Pangulong Marcos Jr. na pag-aaralan ng kaniyang gobyerno na gayahin ang konsepto ng Indonesian government na nagtayo ng isang department store kung saan mabibili ang lahat ng produktong gawa ng kanilang bansa. (Aileen Taliping)

The post Palengke para sa Philippine products itatayo ng gobyerno first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT