Inaprubahan ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang panukala na iregulate ang paggamit ng internet at social media sa eleksyon at labanan ang online trolls na nagkakalat ng fake news.

Sinabi ng chairperson ng komite na si Mt. Province Rep. Maximo Dalog Jr. na isasaalang-alang sa gagawing substitute bill ang mga rekomendasyon ng Commission on Elections (Comelec) at iba pang sektor.

Ayon kay Quezon Rep. Keith Tan, may-akda ng panukala, ang kanyang bill ay naglalayong bigyan ng kapangyarihan ang Comelec na bantayan ang paggamit ng social media at internet kapag panahon ng halalan.

“It aims to empower the Comelec in the monitoring of partisan political activities, help the authorities prove, prosecute and enforce Cybercrime Prevention Act of 2012, enable the public to fight the proliferation of online trolls during the election season and properly compute campaign expenses,” sabi ni Tan.

Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Director Efraim Bag-id na suportado ng ahensya ang panukala na makatutulong umano upang maging patas ang pagsasagawa ng halalan.

“If we have the law, then we can have an effective monitoring real time,” sabi ni Bag-id.

Sa ilalim ng panukala ni Tan, tanging mga verified account, website, blogs, at social media pages lamang ang maaaring paglagakan ng electoral ads. Ang lahat ng electoral post ay dapat ilagay kung sino ang nagbayad nito.

Dapat ding irehistro ng partido at kandidato sa Education and Information Department ng Comelec, ang kanilang website, at iba pang official account sa loob ng 30 araw mula sa pagsasara ng paghahain ng certificates of candidacy, ayon sa panukala. (Billy Begas)

The post Panukalang panlaban sa online troll, fake news kapag eleksyon umusad first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT