Umusad na ang panukala na naglalayong labanan ang mga scammer na bumibiktima sa mga may bank account at e-wallets.

Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikalawang pagbasa kamakailan ang panukalang Anti-Financial Account Scamming Act (House Bill 7393) na magpapataw ng parusa sa mga money mule at nasa likod ng mga social engineering scheme.

Money mule ang tawag sa mga taong kumukuha, tumatanggap, naglilipat, o nagwi-withdraw ng pera o pondo na nanggaling sa ginawang krimen o social engineering scheme.

Ang mapatutunayang nagsilbing money mule ay makukulong ng anim na buwan hanggang anim na taon at/o pagmumultahin ng P100,000 hanggang P200,000 sa ilalim ng panukala.

Ang social engineering scheme naman ay ang panloloko o paggamit ng iba’t ibang iligal na paraan para makuha ang confidential o personal na impormasyon ng mga may-ari ng bank account o e-wallet.

Ayon sa panukala, ang parusa sa mga nasa likod ng social engineering scheme ay kulong na anim hanggang 12 taon at/o multang P200,000 hanggang P500,000.

Kung ang scheme ay ginawa ng isang sindikato o grupo na mayroong tatlo o higit pang miyembro o ang target na biktima ay tatlo o higit pa, ituturing na itong economic sabotage na ang parusa ay habambuhay na pagkakakulong at multang P1 milyon hanggang P5 milyon.

Inaatasan ng panukala na tiyakin ng mga bangko at iba pang financial institution na mayroong sapat na nakalatag na seguridad upang matiyak ang proteksyon ng mga account holder.

Binibigyan rin ng panukala ng kapangyarihan ang Bangko Sentral ng Pilipinas na magsagawa ng imbestigasyon sa mga paglabag, humingi ng cybercrime warrants at orders at humingi ng tulong ng mga law enforcement agency sa gagawin nitong pag-iimbestiga. (Billy Begas)

The post Panukalang panlaban sa scam umusad first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT