Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na umuusad na o kung hindi man ay natapos na ang ilan sa mga inirekomenda ng Private Sector Advisory Council (PSAC) kaugnay sa mga imprastrukturang pang-kaunlaran.

Ito ang ibinalita ng Pangulo sa pulong nito sa PSAC nitong Huwebes sa Palasyo.

Ayon sa Presidente, halos kalahati ng rekomendasyon ng council ay nasimulan na at nasa tamang direksyon sa tulong ng partnership sa pribadong sektor.

“And I’m happy to note that the recommendations that were given us by the Private Sector Advisory Council were essentially many of the things that we we’re already doing.And in fact, the list of recommendations that they gave, I would say half of them, are either in progress or have been completed,” saad ng Pangulo.

Sa ginanap na pulong ay tinalakay ang mga usaping may kinalaman sa infrastructure partnership kabilang na dito ang may kinalaman sa tubig, transport, mobility, logistics, energy at Public-Private Partnership (PPP).

Kabilang sa mga inirekomenda ng PSAC ay ang agarang pagsasabatas sa Department of Water Resources, paggamit ng non-traditional at modernong teknolohiya para protektahan ang watershed, pagdaragdag ng pondo sa mga proyekto sa patubig at buwis sa patubig na kayang balikatin ng publiko.

Kasama rin sa inirekomenda ng PSAC ang rehabilitasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa pamamagitan ng PPP at bilisan ang proseso ng pag-award sa mga proyekto.

Kasama rin sa inirekomenda sa Pangulo ay ang pagkakaroon ng Aerodome strategy para sa aviation sector.

Kabilang sa mga dumalo sa pulong ay mga opisyal mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Energy (DOE), Department of Transportation (DOTr) at mga opisyal mula sa Manila International Airport Authority (MIAA), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at Philippine Ports Authority (PPA).

Kasama rin sa pulong sina PSAC convenor Sabin Aboitiz at mga negosyanteng sina Ramon Ang at Manuel Pangilinan. (Aileen Taliping)

The post PBBM: Mga rekomendasyon para sa infra developments, umuusad na first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT