Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang hustisya sa pagkamatay ng estudyante ng Adamson University na si John Matthew Salilig dahil sa hazing.

Sa pahayag ng Pangulo sa social media, makakaasa ang pamilya ng biktima na mananagot ang mga nasa likod nang pagkamatay ni John Matthew.

Hindi aniya nasusukat sa karahasan ang katatagan ng tinatawag na “brotherhood”.

Ipinaabot ni Pangulong Marcos Jr. ang pakikiramay sa pamilyang naiwanan ng biktima.

“I extend my sympathies to John Matthew Salilig’s family during this extremely difficult time and assure them that justice will be served,” anang Pangulo.

Binigyang-diin ng Presidente na walang puwang ang karahasan sa alinmang student organization dahil ang paaralan ay itinuturing na pangalawang tahanan.

Sinabi ng Pangulo na ang biktima ay isang anak, kapatid, at anak ng bansa na may naghihintay na magandang kinabukasan subalit sinira dahil sa maling paniwala ng brotherhood.

“There should be no room for violence in our student organizations which our children consider family, and in our schools which they consider their second home,” dagdag ng Pangulo.

Ang biktima ay nahukay sa isang mababaw na libingan sa Cavite matapos itong ituro ng hazing suspects.

Naiulat na missing si Salilig noong nakalipas na linggo. (Aileen Taliping)

The post PBBM tiniyak ang hustisya sa estudyanteng napatay sa hazing first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT