Pinagpupugayan ng PISTON ang lahat ng mga tsuper at operator na nakiisa sa kanilang “transport strike” laban sa modernisasyon ng administrasyong Ferdinand Marcos Jr. kung saan maaaring i-phase out ang mga tradisyunal na dyip.

Sa pangalawang araw ng kanilang tigil-pasada, na-obliga ang Malacañang na harapin ang PISTON at Manibela.

“Sa unang araw ng Transport Strike, naparalisa natin ang 80% ng mga syudad sa Metro Manila, 100% paralisado ang mga mayor na ruta sa NCR. Nagprotesta at sumuporta ang mga tsuper, operator at komyuter sa buong bansa,” sabi nila mula sa kanilang pahayag.

“Kahapon, Marso 7, 2023, ikalawang araw ng tigil-pasada, sa lakas ng epekto ng Transport Strike, na-obliga ang Malacañang na harapin ang PISTON at Manibela. Mula sa atas ni Marcos Jr. humarap sa naganap na dayalogo ang opisina ng Executive Secretary. Bitbit ni Ka Mody Floranda, pambansang taga-pangulo ng PISTON, sa pag-uusap ang pangunahing demand ng mga tsuper, operator, at komyuter na ibasura ang DOTr Department Order 2017-011 Omnibus Franchising Guidelines (OFG) at mga kaakibat nitong mga polisiyang nagpapatupad ng PUV phaseout na ipinapakete ng gobyerno sa ilalim ng PUV Modernization Program (PUVMP),” dagdag sa kanilang pahayag.

Panimulang tagumpay aniya ito mula sa kanilang protesta laban sa panukalang modernisasyon ng kasalukuyang administrasyon.

“Bagama’t hindi pa ito ganap na pagbasura sa OFG at programang phaseout, panimulang tagumpay pa rin itong maituturing dahil naitulak nating tumugon ang Malacañang at napatunayan natin ang bisa at lakas ng ating sama-samang pagkilos,” saad sa pahayag.

“… Nananatili ang ating paninindigan sa buong pagbabasura ng OFG at ng bogus na modernization program na aagaw sa mga prangkisa at kabuhayan ng libo-libong tsuper at operator para ipamigay sa malalaking negosyante at magpapahirap sa milyon-milyong komyuter ng pampublikong transportasyon,” dagdag pa nila.

Nanawagan din ang grupo na palayain na agad ang tatlong tsuper na inaresto dahil sa paglahok sa transport strike sa Alabang, Muntinlupa City.

“Panghahawakan natin ang mga binitawang pangako ni Marcos Jr. ngunit hindi natin bibitawan ang ating karapatang magwelga sa mga anti-mahirap na mga polisiya. Pansamantala lamang nating ititigil ang transport strike at patuloy na ilalaban ang ating mga panawagan. Ngunit hanggat hindi dinidinig ang panawagan natin na ipabasura ang Omnibus Franchising Guidelines, at nagpapatuloy ang pagpapahirap sa mga tsuper at mamamayan, hindi tayo mangingiming maglunsad ng mas malalaking tigil
pasada!”

Tinapos ng grupo ang kanilang opisyal na pahayag na naninindigan sa kanilang mga panawagan at magpapatuloy pa umano ang kanilang laban.

“Tuloy-tuloy ang laban.”

(Jan Terence)

The post Piston: Transport strike matagumpay, Malacañang aaksyunan modernization program first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT