Naghain ng panukala si Davao City Rep. Paolo Duterte at dalawang iba pang mambabatas para mabigyan ng insentibo ang mga anak ng magsasaka na nais kumuha o kumukuha ng kursong may kinalaman sa agrikultura.
“We need young Filipinos who are exposed to today’s technologies to consider agriculture as a viable career. The youth’s innovative spirit, their enthusiasm to change the way we think or do things is what we need right now to reinvigorate our agriculture sector,” sabi ni Duterte.
Sa ilalim ng panukalang Free Tertiary Agricultural Education Act (House Bill 7572), ipinahayag nina Duterte, Benguet Rep. Eric Yap at ACT-CIS party-list Edvic Yap ang pag-asa na mahihimok ang mga anak ng magsasaka na kuha ang agri related courses sa pagbibigay ng insentibo sa kanilang pag-aaral.
Ayon kay Duterte, dapat malaman ng mga kabataan na ang agriculture sector ay hindi lamang ang aktwal na pagsasaka kundi mayroong malawak na saklaw gaya ng agricultural at biosystems engineering, agribusiness management, agricultural biotechnology, agricultural economics, fisheries technology at iba pa.
Sa ilalim ng panukala, ang mga insentibo, gaya ng living at transportation allowance ay ibibigay sa mga estudyante na kumukuha o kukuha ng agri related courses sa state universities and colleges (SUCs) o local universities and colleges.
Upang maging kuwalipikado, ang estudyante ay dapat anak ng magsasaka na kasama sa crop production, livestock at poultry farming at nakarehistro sa Department of Agriculture (DA).
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), sinabi ng mga may-akda na kumokonti na ang bilang ng mga nagtatrabaho sa agriculture sector.
Mula 24.5% (9.7 milyon) noong Oktubre 2020 at 24.6% (10.77 milyon) noong Oktubre 2021, sinabi ng PSA na bumaba sa 22.5% (10.6 milyon) noong Oktubre 2022 ang bahagi ng sektor ng agrikultura sa kabuuang labor force.
Bumaba rin umano ang bilang ng mga skilled agricultural, forestry at fishery workers. Mula 14.2% (5.7 milyon) noong Oktubre 2020 at 12.4% (5.4 milyon) noong Oktubre 2021 ay naging 11.8% (5.6 milyon) na lamang ito noong Oktubre 2022. (Billy Begas)
The post Rep. Duterte itinulak pagbibigay ng insentibo sa anak ng magsasaka na kukuha ng agri courses first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento